Banal na Paggabay

Sa araw-araw nating pamumuhay, tayo ay may ugali na gamitin ang ating isipan sa makasariling paraan, ngunit madalang nating mapansin ito. Ang makasariling paggamit ng isipan ay nakakaapekto sa pakikisama natin sa kapwa at nagdadala ng kaguluhan sa lipunan. Hangga’t hindi natin binabago ang paraan ng paggamit ng ating isipan, kailanman ay hindi natin makakamit ang maligayang pamumuhay na ating hinahangad.

Sapagka’t tayong mga tao ay inaasahang mamuhay nang may pagkakaisa sa pamamagitan ng pagtutulungan sa isa’t isa bilang tunay na magkakapatid, minumulat tayo ng Diyos Magulang mula sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-gabay sa atin, tulad ng pag-gabay ng magulang sa kanyang anak kapag naliligaw ito ng landas. Ang paggabay ng Diyos Magulang ay maaaring ipakita sa atin sa iba’t ibang paraan at kabilang dito ang pagkakasakit. Ang nasabing paraan ng paggabay ay hindi dapat isipin bilang parusa upang tayo ay pahirapan. Sa halip, dapat nating isipin na ito ay isang pag-gabay lamang ng ating Magulang, na siyang naghahangad sa ating kaligayahan. Sa ganitong paraan, hindi tayo dadaing sa mga kagipitan at kahirapang

pinagdadaanan natin, bagkus gamitin ito upang mamulat sa tunay at orihinal nating kalagayan at, sa gayon ay, gamitin ang ating isipan at katawan sa paraang kaaya-aya upang makamit ang Maligayang Pamumuhay. Sa puntong ito, ang banal na paggabay ay isang paraan kung saan tinatama ng Diyos Magulang ang maling paggamit ng ating isipan, at samakatuwid, isang biyaya ng Diyos Magulang.