Ang Kwento ng Paglikha

Sa Tenrikyo, mayroong kwento tungkol sa paglikha ng tao at tinatawag itong, “Kwento ng Simula ng Pinagmulan”. Isinasalaysay dito kung paano nagsimula at nabuo ang sangkatauhan at sanlibutan. Ipinapahiwatig dito ang kwento tungkol sa matagal ng nakaraan, gayon pa man, ang kalooban ng Diyos Magulang at ang kaayusan ng paglikha na naisalarawan dito ay mayroong mahalagang kahulugan para sa ating lahat. Kung gusto nating mamuhay sa paraang sumasalamin sa ating tunay at orihinal na kalagayan habang nagtutulangan sa isa`t isa bilang magkakapatid, kinakailangan nating gumising sa katotohanan na siyang nakapaloob sa kwento ng paglikha.

Ang kwento ay nagsisimula sa ganitong pahayag, “Noong unang panahon, ang sanlibutan ay isang maputik na karagatan.” Nang mapagtanto na wala itong buhay, naisip ng Diyos Magulang na lumikha ng sangkatauhan, nang sa gayon,  habang pinagmamasdan Niya ang ating Maligayang Pamumuhay, ay makibahagi Siya sa kaligayahang iyon. Ang buong paglikha ay nagmula sa nasabing kalooban ng Diyos. Noong nililikha ang sangkatauhan at sanlibutan, tinawag ng Diyos ang nilalang na magsisilbing modelo at instrumento, at dahil dito, nagsimula ang paglikha ng sangkatauhan. Mula nang malikha, inalagaan ng Diyos Magulang ang sangkatauhan habang sumasailalim sa paulit-ulit na pagsilang sa mahabang panahon. Ang pagkabuo ng lupa at dagat, langit at lupa, at ng buong sanlibutan ay nagpatuloy kasabay ng pag-unlad ng sangkatahan.

Mula sa kwentong ito, matututunan natin:

– ang dahilan kung bakit nagpakita ang Diyos Magulang, na Siyang nagtakda kay Oyasama bilang Dambana;

– na ang Jiba ay ang tahanan ng buong sankatauhan;

– na tayong mga tao ay pantay-pantay na anak ng Diyos Magulang;

– na tayong lahat ay magkakapatid;

– na tayong lahat ay nabigyan ng buhay sa pamamagitan ng kumpletong biyaya ng Diyos.

– na ang layunin natin ay makamit ang Maligayang Pamumuhay;

– na ang kalikasan ay hindi nilikha upang sakupin ng tao kundi mamuhay kasama ito.